Luwalhati
Covid-19 Diary. Entry #14
 Abril 11, 2020: Sabado de Gloria
 Nanunukso ang kamatayan sa setro ng tagumpay.
 Araw-araw, binibilang ang mga nabubuwal,
 Maysakit at tagapag-alaga ng maysakit, 
 Mga doktor, ay, ilan na silang ni hindi napagluksaan. 
 Mga pulis at kawaning nagdadala ng pagkain, 
 Bawat isa ay sumuong nang isa-isang tawagin, 
 Hinahapit ang oras, umuumit ng tulog, 
 Tinitipon ang lakas, kahit nauupos, 
 Para mabantayan ang bukas. 
 May bukas pa bang aabangan, 
 Sumagot ka, Kamatayan!
 Nalulupig, nanlulumo, napapagal itong bayan.
 Sa gutom ay natatakot yaong nag-aagawan, 
 Kinakalas na ang batas, pumapalag kung masúkol. 
 Lumulura ang mahirap sa sabi’y kapuwa mahirap, 
 Palamárang lumulura ang lumulurang nagpapanggap. 
 Bayan itong nakaluklok sa tapunan ng mga sisi, 
 Samantalang ikaw, nakangisi, tuloy-tuloy sa pagsaksi. 
 Traydor ka mula’t mula, hindi patas kung lumaban, 
 Sumasakop sa mga sulok ng poot nami’t kalungkutan. 
 Tahimik ngayon ang paligid, ngunit di lubhang tahimik.
 Tanghali na’y nagkakandirit mga mayang pumapaswit, 
 Sa tinatanaw na bubong na nilukuban ng init, 
 Nagkakasya ang mag-anak, nagpipista sa malinggit--
 Kapirasong pag-asa, sandakot na bigas, 
 Sabaw na pampalakas, walang imik na pag-ibig. 
 Palalo ka, Kamatayan, walang gatol, walang habas, 
 May araw ding magbubukas mga pinto at ang lunas, 
 Kamatayan kang mamamatay, bisa mo’y magwawakas.